Ang yaman-yaman ng mga kahulugan ng buhol-buhol na paglulubid ng mga bagay, panahon, at lugar – o pagluluwag ng mga lubid – sa mga sanaysay ni Genevieve Asenjo. Umaalpas ang mga kulang, sapat o labis habang inaakay tayo sa pag-aapuhap ng dito at doon, o saan mang parang ito, sa kabila ng mga palangga at digmaan. At ipinaparamdam ng antolohiya na minsan, love is enough, o madalas, love is “not” enough, dahil lagi, sa gitna ng simula at wakas – sa buong parang na parang walang wakas, na kung may wakas man ay nangangamba naman sa pagsasara ng wakas – uuwi at iuuwi tayo sa pagtulay sa gihapon. Tulad ng mga halamang ligaw, mga nawawalang hayop, nagagambalang mga ibon, at mga sugatang indibidwal na natutong manahan sa pinaroonang lugar at natutong mamulaklak, mamunga, at mamahay sa kabila ng pagkaligaw, sa gitna ng pag-ampon ng lugar na natutong mangalaga sa mga ligaw na pag-uwi – dahil nananalig pa rin sa pagtitiwala sa biyaya ng panahon, kahit na mapaglansi ang panahon.
---Eli Rueda Guieb III, Unibersdidad ng Pilipinas Diliman
↧